Mga Pagsubok sa buhay ni Lito
Ang buhay ni Lito ay puno ng
kasiyahan. Itinuturing niya ang kanyang sarili bilang maswerteng nilalang sa
mundo, dahil sa kompleto ang pagmamahal na ibinibigay ng kanyang magulang sa
kaniya. Wala na siyang hihingin pa, kundi ang makasama palagi ang kanyang ama’t
ina. Nag-iisang anak lamang siya ng kanyang mga magulang, subalit mayroon
siyang tatlong kapatid na mga babae sa unang asawa ng kanyang ina.
Gustong-gusto niyang makita ang mga kapatid niya na nasa pangangalaga ng lola
nito sa Leyte. “Ama at ina, nais ko pong
makita at mayakap ang aking mga kapatid doon po sa leyte, maaari po ba?”, ang
hinihinging kahilingan ni Lito sa kanyang magulang. “Aba! oo naman Lito, sa katunayan ay napagdesisyunan namin na
magbakasyon sa susunod na taon sa lugar ng iyong ina.” wika ng kanyang ama.
“Yeheey! maraming salamat po at nasasabik
na po akong makilala sila ate”, ang sabi ni Lito na may kasamang ngiti.
Tinupad nga ng kanyang ama ang
pangako sa kanyang anak. Pumunta sila sa Leyte at doon nag-bakasyon sila ng
ilang buwan. Tuwa’t galak ang nadama ni Lito ng makita niya ang kanyang mga
kapatid sa ina. Sila ay nagyakapan ng husto at nag-mano si Lito sa kanyang
lola, tanda ng respeto. Kabaitan ang ipinakitang ugali ng mga kapatid sa kanya,
ganoon din ang kanyang lola. “Apo, ako
ang iyong pinakamamahal na lola at laging mong pakatatandaan na nandito lamang
ako sa iyong tabi kahit man tayo ay magkalayo”, ang malambing na sabi ng
kanyang lola. Nakaramdam si Lito ng pagmamahal sa kanyang lola dahil sa
mabulaklak na mga salita nito.
Pagkaraan ng ilang buwan ay
kinakailangan na nilang bumalik sa Maynila dahil sa tapos na ang bakasyon nila
sa Leyte. Umiyak ng husto si Lito sa pagpapaalam niya sa kanyang mga kapatid at
sa kanyang lola. Nakita niya na tila lumuha ng patago ang kanyang lola
pagkatapos nitong magpaalam sa kaniya. Parang ayaw na niyang bumalik sa
Maynila, dahil lubos na niyang nagustuhan ang lugar ng kanyang ina. Ganun pa
man ay wala siyang magagawa dahil hindi siya ang masusunod.
Sa pagbalik nila sa Maynila ay siya
namang nagkakalabuan ang kanyang ama at ina. Lagi itong nag-aaway sa kanilang
tahanan at dinig na dinig niya ang sigawan ng mga ito. “Umalis kana babae sa aking buhay at hindi na kita kailangan!”, ang
sigaw na sabi ng kanyang ama na sinasabihan ang kanyang ina. “Oo! talagang aalis ako sa buhay mo dahil
wala kang kwentang asawa!”, ang tugon naman ng kanyang ina. Siyam na taon
na si Lito nang tuluyan ng maghiwalay ang kanyang mga magulang. Siya ay napunta
sa puder ng kanyang ina. Napagdesisyonan ng kanyang ina na siya ay
pansamantalang maninirahan sa Leyte at sa puder ng kanyang lola. Laking tuwa
naman ito ni Lito dahil makikita muli niya ang kanyang mga kapatid at ang
kanyang pinakamamahal na lola.
Bumalik si Lito sa Leyte at nakita
niya muli ang kanyang mga kapatid at ang lola niya. Subalit, napagtanto niya na
parang may mali dahil iba ang tugon ngayon ng kanyang kapatid at ‘di gaya noon
na agad siyang yinakap. Parang hindi sila masaya na makita siya at ganun din
ang kanyang lola. “Lito!, nandito ka na
sa puder ko, kaya susundin mo dapat ang mga pinag-uutos ko sa iyo.
Maliwanag?!”, tila sigaw na sabi ng lola sa kanya. “Ahmmm... opo lola”, ang tugon ni Lito. Makalipas ang ilang araw ay
tila lumabas ang totoong mga kulay nito. Siya ay inuutusan ng kanyang lola na
mag-igib ng tubig, mag-walis sa kanilang bakuran, tinuruan siyang maghugas ng
pinggan, magsain at kung ano-ano pa. Lagi siyang sinisigawan ng kanyang mga
kapatid at madalas ay inuutusan rin siya. Sa murang edad niya ay alam na niya
ang mga mahihirap na gawain. Kahit hindi na kaya ng kanyang katawan ay
nagpapatuloy pa rin siya sa paggawa ng mga gawain, dahil takot na siyang
mapagalitan. Nauunawaan na niya ang lahat, sa una lang siya tinanggap ng kanyang
mga kapatid at kanyang lola dahil sa kompleto pa ang kanyang magulang. “Hindi pala totoo ang pinaramdam na
pagmamahal ng aking lola. Ako ay ginawa niyang utusan at parang hindi kapatid
ang turing ng aking mga ate sa akin”, mangiyak-ngiyak na sinabi ni Lito sa
kanyang sarili. “Balang araw, matatanto
din ninyo ang maling pagtrato sa akin”, dagdag ni Lito.
Labinlimang-taong gulang na si Lito
ng magbabalik siya sa Maynila. Siya ay kinuha muli ng kanyang ina. Hindi man
lang siya kinawayan o sabihan ng ‘paalam’ ng kanyang mga kapatid at lola bago
siya bumalik nito. Doon siya nagpatuloy ng kanyang pag-aaral at hanggang
matapos siya. Pagkalipas ng maraming taon ay isa na siyang mahusay na doktor.
Isang araw, nagulat siya na may tumawag sa kanya sa telepono na parang pamilyar
ang boses. Ang nakakatandang kapatid pala niya na humihingi ng malaking halaga
ng pera para maoperahan ang kanilang lola na may malubhang sakit. Hindi naman
nagdalawang isip si Lito at agad siyang pumunta sa Leyte para personal na tulungan
ang kanyang lola. Na operahan ang kanyang lola sa madaling panahon, dahil sa
tulong niya. Bilang isang doktor ay siya na mismo ang tumitingin sa kalagayan
ng kanyang lola. Makaraan ang iilang araw ay nasa mabuti nang kalagayan ang
kanyang lola. Kaya nagdesisyon na siyang bumalik sa Maynila at babalik na siya
sa kanyang trabaho. Aalis na sana siya sa hospital na kung saan doon pa
nakaratay ang kanyang lola ng humarang sa kanyang daaranan ang kanyang mga
kapatid at umiyak sa kanyang harapan. “Bunso,
patawarin mo kami sa aming nagawa sa iyo. Napagtanto namin na hindi maganda ang
aming pagtrato sa iyo. Kami ay nagsisisi sa aming nagawa. Balang araw ay
magiging karapat-dapat kami sa iyong pagpapatawad”, wika ng mas
nakatatandang kapatid niya. Niyakap niya ang kanyang mga kapatid at sabay
nagsabing, “wala na akong sama ng loob sa
inyo at hindi ko maaabot ang pangarap ko, kung maghihiganti ako sa inyo”, mangiyak-ngiyak
na wika ni Lito sa kanyang mga kapatid. Sa pagkakataon na ito ay tunay talagang
nagsisisi ang kanyang mga kapatid sa mga nagawa nito sa kanya.
Nagpatuloy sa panggagamot si Lito sa
Maynila at nakatanggap muli siya ng tawag sa telepono. At dito umiyak siya
dahil sa pamilyar na boses na naman. “Apo,
ang lola mo ito. Alam ko na malaki ang pagkukulang ko sa iyo. Sa katunayan ay
maaari mong piliin na hindi na lamang ako buhayin, subalit namayani sa iyong
puso ang pagmamahal sa akin. Alam ko rin na hindi ako naging mabuting lola sa
iyo. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan sa iyo apo at sa natitira kong
buhay ay ilalaan ko sa paghingi ng tawad sa iyo”, mga sambit ng lola ni
Lito. “Wala po akong sama ng loob sa inyo
lola, sa wakas po ay napagtanto ninyo po ang inyong kamalian. Sapat na sa akin
na malaman ko na kayo ay tunay na nagsisisi sa maling trato noon ninyo sa
akin”, ang wika ni Lito na may puno ng kasiyahan.
Nagdesisyon si Lito na magbakasyon
muna sa Leyte at makita muli ang kanyang mga kapatid at ang kanyang
pinakamamahal na lola. Bago siya lumuwas ay dumaan muna siya sa simbahan at
nagpasalamat sa Poong Maykapal. Ang Panginoon pala ang kaniyang sandalan sa
oras ng kanyang kabiguan. Lagi din niya itong kinakausap kapag siya ay
nakakaramdam ng lungkot. Sinabi niya sa Panginoon na ang kanyang mga pagsubok
sa buhay ay may katuturan.
Comments
Post a Comment