ANG GINTONG TANIKALA

(Kuwentong-Bayan)

Nagkakagulo ang mga bata sa gitna ng sala. Naghihintay sila kay Lola Ima. Sabik na sabik sila na marinig ang kanyang mga kuwento. Isang taon na ang nakaraan noong muli silang umuwi ng probinsiya.


Raf: Ano ba, Mon? Huwag kang mag-akyat-baba ng hagdan. Baka ka mahulog.

Mon: Ang tagal kasi ni Lola. Sabik na sabik na ako sa mga kuwento niya.

Ann: O, hayaan na si Lola. Alalayan mo na.

Mon: Lola, kuwentuhan po ninyo kami

Lola: Diyaski kayong mga bata. Hindi pa nga ako nakakatapos magpakain ng mga manok. 

Ann: Lola, kami na po ang gagawa iyon mamaya. Basta, magkukuwento kayo.

Lola” Sige, ang ikukuwento ko sa inyo ay may kaugnayan sa gintong tanikala.

Mga bata: Yehey! 


At humanda na ang mga bata sa pakikinig.


Noong araw, may mag-asawang nagngangalang Mang Ricardo at Aling Amelia. Ang babae ay mabait at masipag na maybahay. Samantala, ang lalaki ay tamad at naghihintay na lamang dumating ang suwerte sa kanyang buhay. Kaya naman, hirap na hirap sila sa  pang-araw-araw nilang gastusin. Kayod-kalabaw si Aling Amelia samantalang si Mang Ricardo ay parang patay-sinding kandila kung magtrabaho.

Tanging si Aling Amelia lamang ang nagtatrabaho sa pamilya bilang labandera ng ilang mamamayang pamilya sa kanilang lugar.


Minsan ay naghimutok si Aling Amelia, “Ano ba, Ricardo?  Mataas na ang araw ay nakahiga ka pa rin. Bakit hindi ka bumangon at sumamang mangisda sa dagat para may makain tayo?”


“Tumigil ka riyan! Nagpapahinga ako. Huwag kang mag-alala at yayaman din tayo. Napaniginipan ko na ito kagabi,” sagot ni Mang Ricardo.


“Hay, naku! Magbanat ka na ng iyong mga buto para magkapera ka. Hindi ka yayaman nang puro pahiga-higa”.

Nang makaalis si Aling Amelia para maglabada ay inot-inot na bumangon si Mang Ricardo. Naupo ito sa labas ng kanilang munting dampa at tumingin sa payapang katubigan sa harapan ng kanilang bahay. Pilit niyang inaalala  ang kanyang napaniginipan nang gabing nagdaan.


“Maliwanag ang aking panaginip. Parang totoong-totoo. Mayroon daw isang pulo na korteng palaka sa gitna ng malawak na katubigan. At sa pulong ito ay matatagpuan ang malaking kayamanan,”wika ni Mang Ricardo na tila kinakausap ang sarili.


“Ano kaya kung...?” at hinimas-himas ni Mang Ricardo ang kanyang baba na tila may binabalak na gawin.

Biglang napatayo si Mang Ricardo at kaagad pumunta sa pampang. Inilabas niya ang kanyang bangka.

Sumagwan siya patungo sa gitna ng laot. Sagwan, sagwan .... hindi siya tumigil nang kasasagwan. Hinanap niyang pilit ang anino ng pulo na kanyang napaniginipan. Matibay ang kanyang paniniwala na totoo ang kanyang panaginip.

Nakaraan ang isa, dalawa, at halos tatlong oras nang walang humpay na pagsagwan. Malayong-amalayo na siya sa pampang na pinagmulan.

“Ano ba ito at halos maghapon na akong sagwan nang sagwan pero wala pa rin akong makitang pulo na korteng palaka?” Tila gusto nang panghinaan ng loob si Mang Ricardo, ngunit nagpatuloy pa rin siya sa paghahanap ng inaasam na kayamanan.

Ilang sandali pa ay pagod na binitiwan ni Mang Ricardo ang sagwan. Naupo siya sa gitna ng bangka at sinalo ng mga palad ang baba. Nanghihinayang siya sa ginugol na sandali sa pagsagwan, wala naman pala siyang mapapala. Dahil sa labis na pagod ay minabuti ni Mang Ricardo na humiga sa kanyang bangka.

Nanatili siya sa ganoong kondisyon hanggang sa siya ay makatulog. Para siyang idinuduyan ng mga alon.

Hapon na. Hindi namalayan ni Mang Ricardo na inanod pala ang kanyang bangka hanggang siya ay dalhin ng mga alon sa isang pulo.... sa pulong hugis palaka. Nang sumadsad ang bangka sa dalampasigan ay bigalang nagising si Mang Ricardo. “Ha?” pagulat niyang sabi, luminga-linga. Ptakbo niyang siniyasat ang kinasadlakang pulo, at matapos ang ilang sandaling pagpapabalik-balik, nakilala niya ang pulong nakita niya sa kanyang panaginip.

“Ito nga! Ito nga ang pulong hinahanap ko... ang pulong hugis palaka. Ha! Ha! Ha!” at halos lumundag sa tuwa si Mang Ricardo. “Mayaman na ako! Mayaman na mayaman na ako!”

Ngunit may biglang gumuhit sa kanyang isipan. Napakunot-noo siya. Saglit na napawi ang kanyang saya ng isang katanungan “Teka, ano nga pala ang kayamanang hahanapin ko? At sa laki ng pulong ito, saan ko hahanapin ang kayamanan?

“Ah, alam ko na. Baka kaya ito’y mga perlas at ang mga perlas ay nakukuha sa mga taklobo sa ilalim ng tubig. At sa laki ng pulong ito, saan ko hahanapin ang kayamanan?

“Ah alam ko na. Baka kaya ito’y mga perlas, at ang mga perlas ay nakukuha sa mga taklobo sa ilalim ng tubig. Tama! Sisisid ako. Sisisirin ko ang mga perlas”.

Walang inaksayang sandali si Mang Ricardo. Sumisid siya sa dagat upang hanapin ang perlas. Ngunit ilang sandali pa ay nangangapos na ang kanyang hininga. Kailangan niyang umahon upang makahinga.

“Hah! Hah! Hah!” sunod-sunod na hingal niya. “Meron nga ba o walang perlas? Paano naman ako makatitiyak?”

“Baka naman kaya isda ang nais ipahiwatig ng aking panaginip?” at muli siyang nag-isip. “Oo, siguro nga” At muli siyang sumakay ng kanyang bangka at nang makalayo na sa pampang ay inihagis na muli ang lambat. Pero, walang mga isda. Wala!


“Ano ba namang buhay ito?” himutok ni Mang Ricardo. At siya ay naupo sa gilid ng bangka. Hindi na niya malaman ang kanyang gagawin, o kaya ay iisipin.

Gusto na niyang mawalan ng pag-asa nang mapatingin siya sa ilalim ng dagat. Parang may naaaninag siyang kung ano sa ilalim. Sinipat niya itong muli. Parang may kumikislap na bagay sa ilalim ng dagat.

Gumuhit ang mga ngiti sa labi ni Mang Ricardo. Ang kayamanan!

Kaagad niyang inihagis ang kanyang lambat. Ito na sigurp. Hinila niya ang kanyang lambat, pero mabigat. Hindi niya ito maitaas. Bakit mabigat?

Inubos niya ang kanyang lakas upang mahatak ang mabigat na bagay na nahuli ng kanyang lambat. Nang bahagya na niya itong naiangat ay nakita niya ang kaunting kislap ng bahaging tinamaan ng liwanag ng buwan.

“Ha? Parang ginto? Ginto ba ito?” At sa bugso ng kaligayahan ay tila nagkaroon ng dagdag pang lakas si Mang Ricardo. Hinatak niya ang lambat... hatah... hanggang sa unti-unti na niyang napagwari kung ano ang mabigat na bagay. 

“Isang tanikala? At ginto? Gintong tanikala! Ha! Ha! Ha!” galak na galak na wika ni Mang Ricardo. “Sinabi ko na, totoo ang aking napaniginipan! Ha! Ha! Ha!”

Ubos-lakas na hinatak ni Mang Ricardo ang mabigat na bagay. Hatak, hatak, hatak, hatak, hanggang maiahon ang tanikala. Hatak pa, hatak. Aba, mahaba ang tanikala. Mahaba at marami ang gintong maipagbibili niya.

“Mayaman na ako! Mabibili ko na ang lahat ng gusto kong bilhin,” malakas na sigaw ni Mang Ricardo habang hinahatak ang tila hindi maubos-ubos na tanikala.

Unti-unti, napupuno ng tanikala ang bangkang sinasakyan ni Mang Ricardo. At unti-unti rin, hindi niya namamalayang lumulubog na ang bangka.

Hanggang sa . . . . . .

Ann: Lola, ano po ang nangyari?

Lola Ima: Ha! Ha! Ano sa palagay ninyo ang nangyari?

Raf: Ang daya naman ni Lola. Ano nga po ang nangyari?

Lola Ima: Sige, hulaan ninyo kung ano ang nangyari kay Mang Ricardo.




 

Comments

Popular posts from this blog