Dapat
ba o Hindi dapat maging batayan ng pagsasamahan ng mag-asawa ang pagkakaroon ng
anak?
(Maikling
sanaysay)
Sa pag-aasawa ay kinakailangan ng
mahabang oras at panahon para pagplanohan ito ng mabuti. Hindi madali ang
tinatawag na “pag-aasawa”, dahil kapares nito ang pagiging responsibilidad,
pagiging tapat sa isa’t isa at pagsasama sa hirap man o sa saya. Sila ay
humarap sa Poong Maykapal na ngangakong aalagaan at magmamahalan ng habang
buhay. Ang lalaki ay tinatawag na haligi
ng tahanan, dahil siya ang magpapatibay ng pagmamahalan sa pamilya, habang
ang babae naman ay tinatawag na ilaw ng
tahanan dahil siya ang magbibigay ng liwanag at pag-asa sa tahanan. Ang
anak naman ang nagbibigay kulay sa pamilya, dahil siya ang simbolo ng wagas na
pagmamahalan ng kanyang magulang. Ngunit paano kung hindi mabigyan ng anak ang
isang mag-asawa. Matatawag pa bang pamilya kung walang anak? May katuturan ba
ang pagsasama ng mag-asawa gayung wala naman silang anak? Halika kaibigan,
alamin natin ang tungkol sa pag-aasawa kung dapat ba o hindi dapat maging
batayan ng pagsasamahan ng mag-asawa ang pagkakaroon ng anak?
Ang anak ay hindi mawawala sa pagbuo
ng pamilya, dahil ito ang magbubuklod ng pagiging matiwasay na pagsasama ng
mag-asawa. Kahit isa, dalawa o tatlong anak ay sapat na upang tawagin itong
isang buong pamilya. Karamihan ay ang mga lalaki ang nangangarap na magkaroon
ng anak sa kanilang babaeng minamahal. Dito ay ipapasa nila ang kanilang
apelyido sa kanilang anak at magpapatuloy na palawakin at paramihin ang angkan.
Ngunit mayoon din ibang mag-asawa na hindi pa nabibigyan ng anak at ang
maaaring dahilan ay baka baog ang lalaki o ‘di kaya’y may problema sa matris
ang babae, kung kaya hindi sila nagkaanak. Ang dahilan ng iba naman ay hindi pa
nila gustong magkaanak. Katulad ng isang youtuber
na si Cathlaine at ang kanyang asawang amerikano na halos labindalawang
taon na nagsasama ay hindi pa sila nagkakaroon ng anak. Ayon sa kanila ay hindi
pa nila ito iniisip dahil sinusulit pa rin nila ang buhay ng magkasama na kahit
walang anak. Hindi lamang nag-iisa sina Cathlaine kundi iba ring mga mag-asawa
na pinili ang hindi muna pagkakaroon ng anak. Nagpapatuloy pa rin sila sa
pagsasama kahit walang anak at hindi basehan upang masira ang kanilang
relasyon.
Ang pagsasama ng mag-asawa ay dapat
pinapahalagahan at kahit anumang mangyari ay hindi dapat sumuko sa isa’t isa.
Hindi kailangan iwanan ang asawa at hindi solusyon ang paghahanap ng ibang
babae o lalaki upang mabigyan lamang ng anak. Ang salitang “kasal” ay sagrado
at nagsumpaan sa harap ng Diyos na kahit sa hirap man o sa ginhawa ay walang
susuko at kahit walang anak ay maituturing pa rin na pamilya, dahil sila ay
kasal sa Diyos. May katuturan pa rin ang pagsasama ng mag-asawa kahit walang
anak at hindi dapat pairalin ang sariling kagustuhan na magkaanak sa paraang
maghahanap ng iba. Kapag mahal mo ang isang tao ay hindi mo ito ipagpapalit sa
kahit kanino man at ang totoong nagmamahalan ay nagsasama habang buhay at hindi
dapat isipin ang sasabihin ng ibang tao.
Comments
Post a Comment